Isang bagyo nanaman ang gumagambala sa Pilipinas ngayon… si Bagyong Helen. Kaya medyo maulan ngayon dito sa Metro Manila. Pero mas malakas pa rin sa kanya si Bagyong Frank.
Dismayado sigurado ang mga estudyante sa Metro Manila dahil hindi na-suspend ang mga klase nila. Haha. Mabuti na lang! Maiinggit nanaman kasi ako pag wala uli silang pasok. Ang sarap matulog ngayon kasi malamig. Todo pa ang antok ko. Ewan ko ba. Sana weekend na para makatulog naman ako ng mahaba-haba.
Paggising ko pa lamang nung Lunes ng umaga ay medyo ramdam ko ng hindi maganda ang araw ko. Uminit ang ulo ko habang naghuhugas ng mga pinagkainan. Paglabas namin ng bahay ay biglang bumuhos ang ulan. Naiwanan ko pa naman ang payong ko sa bahay (actually, iniwan ko kasi tinatamad akong magdala ng payong). So naki-share na lang ako sa maliit na payong ng mommy ko. Matagal-tagal din bago kami nakasakay ng tricycle. At pagdating sa tricycle, ay doon pa ako sa likod ng driver umupo kaya as expected, mababasa ako ng ulan. Lalong uminit ang ulo ko.
Pagdating pa sa terminal ng mga “shuttle” patungong Ayala, ay super dooper haba ng pila. Matagal-tagal din kaming tumayo. Maraming salamat talaga kay I-Pod. Siya ang kasa-kasama ko sa mga oras na ako ay na-bobore. Kaya kung anu-ano na ang pumasok sa isip ko - mag-aabsent na lang ako. Bwahahaha! Kaya lang biglang nagdatingan ang mga sasakayan. Ayun, nakasakay na din kami. Mabilis ang nasakyan namin, pero late pa rin ako. Okay lang. Nag-overtime naman ako kinagabihan. Bawi na sigurado ang bawas dahil sa aking late.
Naisipan ko na lang dumaan sa SM Bacoor kinagabihan. Okay naman ang biyahe. Tila maluwag yata nung gabing iyon. May nakita akong bus na maluwag. Doon ko naisipang sumakay. Naku naman! Ang tagal tagal naghintay ng mga pasahero! Bumaba na lang sana ako! Tingin ako ng tingin sa relo ko dahil gusto ko pang abutang bukas ang SM Bacoor. Mga 10 minutes before 9pm yata ako nakababa sa SM Bacoor. Tumakbo ako ng mabilis (para akong tanga). Tuwang tuwa ako at nakapasok pa ako sa mall! Pero pagdating sa loob… Wala na. Sinasarhan na ang mga tindahan. Grrr… Naglakad na lang ako palabas. Sino ba ang dapat sisihin? Ang driver ng bus na ang tagal naghintay ng mga pasahero, or ang aking opisina dahil nag-overtime ako?
Kinabukasan (Kahapon), siniguro ko ng dala ko ang payong ko. Maayos naman ang pagpunta ko sa opisina. Tumawag sa akin ang aking ka-opismeyt. Nagphotocopy kasi kami ng super dooper daming mga brochures noong nakaraang gabi (kaya ako nagovertime). Back to back yun kaya super hassle. Kailangan pa naming i-fold para magmukhang brochure talaga. Eh nagloko pa yung isang photocopying machine na ginamit namin kaya lumipat kami sa iba. Ayun, tumawag nga siya at sinabing galit daw yung pinakaboss namin kasi nakita raw niya na may mga naiwan kaming phinotocopy doon sa isang photocopying machine. Magastos daw. Wah! Naiwan yata namin. Pero magagamit pa naman namin yun (hindi as scratch paper!).
Nainis ako kasi nag-magandang loob na nga ako, eh parang hindi pa maganda ang kinalabasan. Hay. Nadepressed ako for a while kaya muli kong nabisita tuloy ang Jobstreet at Jobs DB. Haha. Basta.
Anyway, naisip ko na lunch break na lang kahapon ako lalabas para pumunta sa Watson upang bumili ng mga kaartehan ko sa katawan. Medyo umaambon ambon na ng paglabas ko. Tinamad na akong bumalik sa opisina para kunin ang aking payong. Hala! Galit yata talaga ang ulap sa akin at bumuhos ang napakalakas na ulan!
Dahil sa ayokong ma-late, ay inunti unti ko na ang lakad pabalik sa opisina kahit medyo nababasa na ako. Hindi naman ako super basa kahapon. Pero alam kong giginawin ako pagdating sa opisina. Salamat at maganda naman pala ang nadala kong jacket kahapon.
Asar na asar ako dahil feeling ko ay minamalas ako. Haha. Pero okay lang, kasi naniniwala ako na ganoon talaga. Minsan talaga minamalas-malas ka, pero after noon, eh swerte naman. Cycle lang ika nga. Pero siyempre, sino ba naman ang ayaw ng palaging swerte diba? Haha.
Kaya kanina ay siniguro ko ng magiging maganda ang araw ko ngayon kasabay ng pag-alis ni Bagyong Helen. Di ko pa nga lang alam kung dadapuan ba ako ng sakit dahil naulanan ako kahapon. Hay, ayokong magkasipon at ubuhin.
