
Mula ng nagtrabaho ako, ay namulat ako sa sinasabi nilang “real world”. Ika nga nila, ang tunay raw na pakikipagsapalaran sa buhay ay pagkatapos mong makagraduate mula sa college. Pero siyempre, wag natin isantabi ang ating mga kababayan na sa murang edad pa lamang ay mulat na dito, imbis na sila ay nakakapag-aral. Kaya laking pasasalamat ko talaga na ako ay nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral.
Siyempre, dahil bagong graduate at kumikita na ng sariling pera, naglalaan talaga ako ng oras para sa sarili ko upang makapaglibang. Bumibili ako ng mga gamit na dati ay hindi ko mabili dahil wala naman akong pera. Pero di naman ako happy go lucky. Pinipilit ko din namang pag-igihan ang trabaho ko. Gusto ko rin naman kasing maramdaman na nadadagdagan ang alam at karanasan ko.
Ang trabaho ko ay umiikot sa programming, na aaminin ko ay kailanman hindi ko pinangarap maging. At kung tatanungin ako kung anong masasabi ko sa trabaho ko, madalas pumapasok sa isipan ko ang “boring”. Pero kakaiba rin naman tuwa ang nararamdaman ko kapag natatapos ko ang mga ipinapagawa sa akin.
Ano nga ba ang gusto ko? Mahilig ako sa multimedia. At pinapangarap ko pa rin na sana balang araw, maging isa akong magaling na multimedia artist.
Oo, may pangarap pa rin akong gustong matupad kahit siguro isipin ng iba ng kontento na ako sa ginagawa ko. Marami pa akong gustong gawin sa buhay ko.
Minsan, nakakaramdam ako ng pressure kapag nakikita ko na ang iba sa mga batchmates ko noon ay nasa ibang bansa na oo kapag sila ay big time na. Natural lang naman siguro sa tao na ayaw magpahuli. Pero di ako naiinggit. Napapaisip lang ako minsan kung tama ba ang direksyong tinatahak ko.
Sabi ng iba parang bata lang daw ako na naglalaro at hindi iniisip ang bukas. Iniisip ko rin naman yun. Sino ba naman ang ayaw ng magandang kinabukasan diba? Pero siyempre, minsan, ayaw ko din naman padala sa pressure ng ibang tao. Ayoko gumawa ng isang bagay dahil lamang napepressure na ako. Naniniwala kasi ako na lahat ng bagay ay dumarating sa tamang oras… Pero siyempre, di mo din lang naman hihintayin yun… hahanapin mo rin naman yun madalas.
Naiisip din siguro ng iba na ang gusto ko lang ay mag-enjoy ng mag-enjoy. Naniniwala kasi ako na paminsan minsan ay mag-enjoy ka naman. Mahirap din naman na laging trabaho ang aatupagin mo. Huminga ka paminsan-minsan. Pero siyempre, dapat hindi isacrifice ang mga obligasyon at responsibilidad.
At ngayon, 25 na ako. Iniisip ko uli ang lahat lahat, at kung saan na nga ba ako patutungo. Gusto kong ayusin ang kung anuman ang dapat kong ayusin sa buhay ko. Gusto ko mag-focus sa future ko. Gusto ko gawin ang gusto kong gawin. Gusto ko pang mag-improve. Gusto kong ipakilala sa mga tao na eto ako.
Naniniwala ako na simula pa lamang ito ng mas magagandang bagay na parating. Naniniwala ako.
Inihanay sa:
Silver Year In Polaroid Tagged:
Rowjie
